Palagi kong sinasabi sa sarili ko na kaya ako lumipat ng UP ay dahil alam kong matutulungan ako ng pamantasan na makapag-aral. Mahal nga naman kasi sa USTe, at mala-kolonyal pa rin ang isipan ng mga Dominikano roon.
Totoo nga naman, tinulungan ako ng UP. First time kong hindi alalahanin ang mga bayarin dahil sa free tuition. Bukod pa rito, may stipend pa ako. Saan ka pa? Binabayaran ka para mag-aral? Is this heaven?
Ngunit sa siyam na buwan ng pamamalagi ko sa UP, hindi ko aakalain na ang makukuha ko ay hindi lang tulong, kundi pati na rin: depressive episodes, panic attacks, insomnia, anxiety, at mga gagong REPS na momolestiyahin ka.
Na-harass ka? Nangyari ba sa loob ng campus? Hindi? Eh extension-related activity ba? Hindi rin? Nangyari bago ka mag-bente? Ah. Manigas ka muna diyan. Mag-aral ka. Pero mag-file ka ng case. Antayin muna namin magkaroon ng schedule ang mga Vice Chancellors within thirty days na siyang magdedesisyon kung poprotektahan ka ng UP.
Imaginin mo, ikaw na 'tong naghahanap ng hustisya, ikaw pa 'tong paghihintayin ng burukrasya. Thirty days bago mag-convene ang council? Ni wala man lang suspension? Kailangan kong lunukin ang realidad na 'yung gagong yon nagtatrabaho pa rin sa Library, habang ako ay parang basang sisiw kakahanap ng internet, ng espasyo para mag-aral? Ako ‘tong biktima, pero ako ang mag-aadjust sa kaniya?
Kailangan mo ng garantiya ng kaligtasan mo sa campus? Ah. Okay. Mahigpit na yakap. Babasahin ko lang 'tong email mo pero 'di ako magrereply.
“Anong maitutulong namin?” Tanong nila. Nireplayan ko, hindi naman sumagot. Maraming ipinaglalaban, pero ni hindi man lang ako madepensahan.
May pendings ka pa, at nanghihingi ka ng leniency? Sorry, academic freedom kong i-set ang deadline. Tuloy ang klase. May minus 'yan kung late.
Ayaw mo na pumasok dahil na-trauma ka na? Naiintindihan ko. Pero pumasok ka. Kung mafo-force drop ka, eh 'di tanggapin mo! Estudyante ka eh.
Tuloy lang ang buhay sa Bulwagan ng Dangal. Tuloy lang kahit maupos ka kakahanap ng hustisya at ng taong tutulong sa iyo.
Wala tayong magagawa, UP tayo! Mayayabang tayo eh! Ang palaging sigaw nga eh ‘di ba: Iskolar ng Bayan, ngayon ay lumalaban! Alam naman pala ang isinisigaw, pero asaan sila ngayong kailangan kong lumaban?
Putangina naman, saan niyo nakukuha ang lakas na ituloy ang buhay-iskolar? Ano, dedma na lang? Ganito ba talaga tayo?
Alam kong hindi dapat tumigil ang ikot ng mundo dahil sa mga nangyari pero tangina, binasag at ginuho niyo na ang pag-asa ko. At lahat kayo, business as usual pa rin. Nakakagago, ‘di ba? How do you expect me to continue?
Tutulungan ka nga ng UP, pero gagaguhin ka rin nito.
Nagawa pang mag-update ni CJCJ sa daily engagements niya. Meeting dito, meeting doon, pero wala sa agenda ang protektahan ka.
Na-harass ka? Okay. Pero tandaan mo: may paper ka pa, may quiz ka pa, may fieldwork ka pa, pero may 50k ka naman na stipend. Pumasok ka, ha?
Kaya, tuloy lang ang buhay sa Bulwagan ng Dangal.